Nakatakda nang maging regular sa trabaho ang libu-libong mga empleyado ng iba’t ibang kumpaniya bilang bahagi ng kampaniya kontra sa kontraktuwalisasyon.
Iyan ang ibinida ni Labor Secretary Silvestre Bello III kasabay ng inilabas niyang inisyal na listahan ng mga umano’y lumabag sa labor laws sa gitna na rin ng mga protesta ng iba’t ibang labor groups.
Una nang nangako ang kumpaniyang SM Supermalls na ire-regular nito ang may 10,000 nilang kawani habang 7,000 naman ang nakatakdang i-regular ng Century Pacific Food Incorporated.
Naghayag na rin ng kanilang intensyon ang Jollibee Foods Corporation na iregular ang may 15,000 nilang empleyado, 10,000 naman ang mula sa DOLE Philippines Incorporated habang nasa 6,000 empleyado naman ang sa PHILSAGA Mining Corporation.
Kasunod nito, umaasa si Bello na magsusunuran na rin ang iba pang mga kumpaniya na i-regular ang kanilang mga manggagawa bilang pagsunod sa batas paggawa.
#Beestmode campaign, inilarga ng mga empleyado ng Jollibee
Daan-daang contractual employees naman ng Jollibee Foods Corporation ang nag-welga sa harap ng kanilang tanggapan sa Pasig City kahapon.
Ito’y bilang bahagi ng isinagawang #Beestmode campaign ng samahan ng manggagawa sa JFC at ng Defend Job Philippines na nananawagan sa publiko na huwag munang tangkilikin ang mga produkto nito hangga’t hindi ganap na nareregular ang mga manggagawa at naibabalik ang mga sinibak na empleyado.
Sigaw ng mga manggagawa, dapat direkta silang i-regular ng Jollibee at hindi dapat idaan sa mga ahensya na anila’y labag sa itinatakda ng batas paggawa.
Magugunitang tiniyak ng naturang kumpaniya sa Department of Labor and Employment na kanila nang ireregular ang may 15,000 nilang empleyado.
—-