Nagprotesta ang mga mangingisda sa Chile dahil sa kawalan umano ng aksyon ng kanilang pamahalaan upang maibsan ang epekto ng red tide sa kanilang mga karagatan.
Nagbarikada ang libu-libong mangingisda at hinarangan ang mga pangunahing lansangan sa rehiyon ng Los Lagos.
Giit ng mga mangingisda, bigo ang kanilang pamahalaan na magpatupad ng mitigating programs upang mabawasan man lang ang epekto ng red tide na malaking dagok sa kanilang kabuhayan.
Una rito, nag-alok ang gobyerno ng Chile na bibigyan ng mahigit 150 dolyar ang bawat apektado, bagay na tinanggihan ng mga mangingisda.
Binigyang diin ng mga mangingisda na hindi sila mabubuhay sa naturang halaga.
Ang red tide ay sinasabing may kaugnayan sa matinding El Niño na nararanasan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
By Ralph Obina
Photo Credit: Alvaro Vidal/AFP/Getty Images