Libu-libong pasahero na patungong mga island provinces ng Luzon at Visayas ang dumagsa sa Batangas Port para makauwi ngayong Pasko.
Ayon sa ulat, aabot na sa may 15,000 ang mga pasaherong nasa Batangas Port kaninang umaga pa lamang.
Karamihan sa mga pasahero ay patungo ng mga probinsya ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro at Romblon habang ang iba ay bibiyahe naman pa-Iloilo at Aklan sa Visayas.
Kasabay nito ay ang mas pinahigpit na seguridad sa pantalan.
Payo ng port authorities sa mga pasahero na huwag nang magdala ng anumang uri ng armas at kutsilyo o matutulis na bagay upang maiwasang maabala.
Samantala, patuloy din ang pagbuhos ng mga pasahero sa mga terminal ng bus pauwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Madaling araw pa lamang ay matindi na ang masikip na daloy ng trapiko sa bahagi ng EDSA lalo na sa mga lugar na mayroong terminal ng bus.
Samantala, tiniyak ng Philippine National Police na nakahanda ang mga pulis na magbigay ng ayuda sa mga biyahero.
Bago pa ang huling araw ng pasok sa mga tanggapan ay nagsagawa na ng inspection si Chief Supt. Edgardo Tinio, hepe ng Quezon City Police sa mga bus terminals sa Araneta Center upang matiyak ang seguridad ng mga pasahero.
By Ralph Obina | Len Aguirre
Photo Credit: gmanewsonline