Patuloy ang dagsa ng libu-libong pasahero sa iba’t ibang transport terminal na nagreresulta na sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada, ngayong Mahal na Araw.
Sa Metro Manila, kada oras ang dating ng mga biyahero sa Araneta at EDSA-Cubao Bus Terminal, Quezon City at Pasay Bus Terminal maging sa Ninoy Aquino International Airport, Manila North at South Harbors.
Tinaya naman ng Philippine Coast Guard sa 80,000 pasahero ang dumaragsa sa mga pantalan sa buong bansa simula pa noong Linggo ng Palaspas.
Nakatutok na rin sa sitwasyon ang mga concerned agency sa pangunguna ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Department of Transportation and Communications (DOTC) at Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng Oplan Ligtas Biyahe Semana Santa 2016.
Bukod sa Metro Manila, kabilang din sa mga tinututukang lugar ang Batangas Port; Baguio City; Matnog Port sa Sorsogon; Cebu at Davao cities maging ang mga pangunahing tourist destination sa bansa gaya ng Boracay.
Pinayuhan naman ng DOTC ang publiko na maging alerto at mag-ingat sa pagbiyahe ngayong Semana Santa.
Ito ang paalala ng ahensya makaraang pormal nitong buksan ang Oplan Ligtas Biyahe Semana Santa 2016 kahapon na naglalayong masiguro na ang kaligtasan ng mga bibiyahe patungo sa mga lalawigan.
Kasunod nito, inatasan na ng DOTC ang iba’t ibang ahensya na ng pamahalaan paigtingin ang seguridad sa mga matataong lugar tulad ng paliparan, pantalan, terminal ng bus gayundin sa mga highway.
Patuloy din ang isinasagawang random drug at alcohol testing sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
By Drew Nacino | Jaymark Dagala