Nagsimula ng magtipon ang libu-libong raliyista mula sa iba’t ibang grupo bilang bahagi ng National Day of Protest at paggunita sa ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
Nagmula ang mga raliyista sa mga grupong kontra war on drugs ng gobyerno sa pangunguna ng Tindig Pilipinas, Defense of Human Rights and Dignity Movement, Coalition Against the Marcos Burial; Kalipunan ng mga Kilusang Masa, I Defend Human Rights and Dignity, Block Marcos, Youth Resist, Movement Against Tyranny, Anakbayan at BAYAN.
Kabilang sa mga tinututukan ng National Capital Region Police Office ang mga lugar na pinagdarausan ng aktibidad tulad sa Quezon City Circle, UP Diliman, Monumento sa Caloocan City; Mendiola, Plaza Miranda, Liwasang Bonifacio at Quirino Grandstand sa Luneta, Maynila kung saan inaasahang magsasama-sama ang lahat ng mga demonstrador mamayang alas-4:00 ng hapon para sa mas malaking rally.
Samantala, umarangkada na rin ang aktibidad ng iba’t ibang grupo sa ilan pang bahagi ng bansa gaya sa Baguio City, Cebu, Davao, at Cagayan de Oro bilang pakikiisa sa National Day of Protest.
Tinatayang 500 miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Tagalog ang nagprotesta sa tapat ng AFP-Headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Bitbit ang mga placard na may nakasulat na “Never Again to Martial Law” at “Stop the Killings,” iprinotesta ng mga raliyista ang polisiya ng sinasabing “total war” laban sa mga mamamayan at “wholesale killings” ng mga mahihirap.
Ayon naman kay Tata Pido, ng Southern Tagalog Movement Against Tyranny, ibinabalik ng Duterte administration ang madilim na kahapon ng Martial Law.
Nagmula ang mga militanteng grupo sa iba’t ibang panig ng Cavite, Laguna, Batangas at Rizal bilang paggunita sa ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Samantala, sinunog ng mga raliyista ang efiggy ni Pangulong Rodrigo Duterte at dating Pangulong Ferdinand Marcos kasabay ng National Day of Protest sa tapat ng Camp Aguinaldo, sa Quezon City.
Iginiit ni Tata Pido ng Southern Tagalog Movement Against Tyranny na walang pinagkaiba ang mala-pasistang pamumuno ni Pangulong Duterte kay Marcos.
Kung noon anya ay “salvage victim” ang tawag sa mga napapatay sa panahon ni Marcos, ngayon ay wala rin itong pinagkaiba sa mga na-to-tokhang sa ilalim ng Duterte administration.
Nagdulot naman bahagyang pagsisikip sa daloy ng trapiko sa Edsa-northbound sa Gate 4 ng AFP-Headquarters ang isinagawang aktibidad ng mga demonstrador.
Natipon din ang mga miyembro ng grupong Kadamay sa Welcome Rotonda sa boundary ng Quezon City at Maynila bilang bahagi ng National Day of Protest.
Magmamartsa ang kadamay sa España Boulevard patungong University of Santo Tomas kung saan sasalubungin sila ng Bagong Alyansang Makabayan.
Matapos nito ay magmamartsa ang dalawang grupo sa C.M. Recto Avenue patungong Mendiola at magsasagawa ng programa.
Dakong ala-1:30 mamaya ay magsusunog naman ang mga raliyista ng effigy ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang lugar bago magtungo sa Luneta.
‘Full alert‘
Nakataas na ang full alert status ng buong pwersa ng Philippine National Police o PNP kaugnay ng idaraos na mga protesta ngayong araw.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos, epektibo kahapon ang pagtataas ng alerto na layong tiyakin ang kapayapaan at kaligtasan ng mga magsasagawa ng kilos protesta.
Sinabi ni Carlos na mahigpit ang tagubilin ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa mga pulis na mahigpit na ipatupad ang maximum tolerance.
Inaasahang magtitipun-tipon ngayong araw ang mga raliyista sa Quirino Grandstand, People Power Monument, Quezon City Circle, Mendiola at Plaza Miranda.
Gayunman, hindi naman papayagan ang mga raliyista na magtungo sa US embassy at iba pang diplomatic missions na tinukoy bilang no rally zones.
Ralph Obina / Drew Nacino
RALLY PHOTOS: