Libu-libong residente na ng Marawi City, Lanao del Sur ang lumikas patungo sa karatig lungsod ng Iligan sa Lanao del Norte dahil sa nagpapatuloy na bakbakan ng militar at Maute Group.
Ayon kay Iligan City Vice Mayor Jemar Vera Cruz, ikinagulat nila ang pagdagsa ng napakaraming evacuee mula Marawi at nangangamba sa posibleng pagsisiksikan ng mga ito sa mga evacuation center.
“Kalahati ng mga taga-Marawi ay nandito na sa Iligan, the fact is itong mga taga-Marawi ay maraming relatives dito sa Iligan, sa dami baka they would not prefer evacuation centers, hindi sila magkakasya.” Ani Vera Cruz
Gayunman, aminado ang bise alkalde na hindi malayong may makapasok na miyembro ng Maute sa Iligan lalo’t napakalapit lamang nito sa Marawi at iba pang lugar na pinaniniwalaang balwarte ng grupo.
“Maraming relatives dito sa Iligan ang mga Maute, it is one of their peace haven ng grupong ito, we secure the suspected areas na we think doon nagtatago ang miyembro ng Maute, we have identified them now, we’re just confirming the veracity of the reports that we will definitely support anytime.” Pahayag ni Vera Cruz
Kaugnay nito, marami pang residente ng Marawi ang hindi makalikas, kabilang ang isang buntis na malapit nang manganak at ang pamilya nito.
Ayon kay Jamil Faisal Saro Adiong ng Tabang Sibilyan Visayas, isang volunteer group na naka-base sa Cebu, huli silang nakatanggap ng impormasyon mula sa asawa ng buntis, alas-8:30 kagabi.
“May manganganak na nga raw ata, the husband is really desperately asking for help dahil meron pa silang 3 maliliit na anak, given the location na ibinigay masyadong malayo na mapasok ang area.” Ani Adiong
Nakiusap din si Adiong sa mga nais magpadala ng tulong na tiyaking Halal certified ang food packs na kanilang ipapadala dahil karamihan sa mga naapektuhang residente ay mga Muslim.
Maaari rin aniya silang tawagan sa emergency number na 0908-900-1678 at email na jamilfaisaladiong@gmail.com ng mga nangangailangan ng tulong o nais magpahatid ng tulong.
“Mga basic na pangangailangan ay water at food packs, clothing at iba pang puwede nilang magamit sa mga evacuation areas.” Pahayag ni Adiong
Umaasa si Jamil Faisal Saro Adiong na ang pag-atake sa Marawi ay magsisilbing tagapagbuklod sa mga Pilipino.
Makabubuti aniyang isantabi na ang pulitika at relihiyon sa paglaban sa terorismo.
Wala aniyang pinipili ang terorismo, at hindi tamang palagi na lang iuugnay ang karahasan sa mga Muslim dahil maging sila ay nabibiktima rin nito.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Jamil Faisal Saro Adiong
Marawi trauma
Samantala, sasailalim sa psychosocial intervention ang mga estudyanteng lumikas sa MSU o Mindanao State University Iligan campus mula sa kanilang Marawi campus.
Ayon kay MSU College of Arts and Social Sciences Assistant Dean Professor Sittie Noffaisah Pasandalan, na-trauma ng husto ang kanilang mga estudyante at faculty na nagmula sa Marawi.
“May mga pangamba rin daw talaga especially first night na nag-blackout at may narinig na putukan, medyo traumatic lang talaga, umulan din dito sa amin habang nagkukwentuhan may sanga ng kahoy na nahulog at parang magsisidapa na sila sabi ko kalma lang kalma lang, wala na kayo sa Marawi.” Ani Pasandalan
Nilinaw ni Pasandalan na tanging mga estudyante at staff mula sa MSU Marawi lamang ang kanilang tinatanggap at ang mga residenteng lumikas mula roon ay kanilang itu-turn over sa lokal na pamahalaan ng Iligan.
Sa ngayon aniya ay mayroon nang umuwi mula sa animnapung (60) evacuees, subalit mayroon silang impormasyong mayroong panibagong grupong nakatakdang dumating ngayong araw.
“Sa ngayon po ay sufficient ang supplies natin pero kung merong gustong tumulong ay tatanggapin natin, if ever na may ibang students na naiwan sa campus ifo-forward naming sa kanila ang tulong na nakuha natin, may isang group pa raw na bababa, isa yan sa mg amino-monitor naming kung kailan sila makakarating sa Iligan City.” Pahayag ni Pasandalan
By Drew Nacino | Katrina Valle | Ratsada Balita (Interview)
Photo via Raoul Esperas (Patrol 45)