Muling umapela ang gobyerno ng Libya sa Pilipinas na bawiin na ang ipinatupad na hiring ban sa mga Pilipinong manggagawa.
Ayon kay Libyan Embassy Charge d’ Affaires Ahmed Eddeb, nauunawaan niya ang pangamba ng gobyerno ng Pilipinas para sa seguridad ng mga mamamayan nito ngunit bumubuti na aniya ang sitwasyon ng Libya simula pa noong 2014.
Paliwanag ni Eddeb, malaki ang naitutulong ng mga Pinoy sa kanilang ekonomiya partikular na sa industriya ng langis at humanitarian assistance sa mga ospital.
Hindi umano nila muling bubuksan ang usapin nito kung alam nilang hindi pa ligtas ang kanilang bansa para tumanggap ng mga dayuhang manggagawa.
Magugunitang noong 2011, isinailalim ng gobyerno sa repatriation ang aabot sa sampung libong (10,000) manggagawa at nadagdagan pa ng 4,000 noong 2014 makaraang sumiklab ang civil war sa Libya.
—-