Nadakip ng militar ang isang mataas na pinuno ng NPA o New People’s Army at apat na iba pa sa Barangay Bangkerohan, Catarman, Northern Samar.
Kinilala ni Capt. Rayann Velez, tagapagsalita ng 8th Infantry Division ng Philippine Army ang NPA leader na si Marieta Bartolo na tumatayong front secretary ng Metro 1, sub-regional committee emporium.
Kasamang naaresto ng pinagsanib puwersa ng 803rd infantry brigade ng militar at pulisya sa Northern Samar ang apat na iba na kinilalang sina Ruth Figueroa, pangulo ng bayan muna sa Northern Samar at kasalukuyang barangay chairwoman ng University of Eastern Philippines gayundin sina Eboy Loberiano alyas “Bagyo’ at Gil Martinez.
Nag-ooperate ang grupo sa mga bayan ng San Roque, Pambujan, Silvino Lobos, Las Navas, Mondragon gayundin sa Catarman.
Sila rin ang itinuturong nasa likod ng mga pag-atake at pagpatay sa mga operatiba ng pulisya, militar at mga sibilyan sa nasabing lugar.
Nakumpiska mula sa mga ito ang tatlong glock 9 milimeter pistol, 12 envelop na may tig 3,000 pisong cash at iba pang mahahalagang dokumento.
Hawak na ngayon ng Northern Samar Provincial Police Office ang mga naarestong rebelde at kasalukuyang isinasailalim sa imbestigasyon.