Kinuwestyon ni Senator Antonio Trillanes IV ang liderato ng Department of Justice (DOJ) sa imbestigasyon ng “Ang Totoong Narco list” videos ni alyas Bikoy.
Minaliit din ni Trillanes ang mga inihaing kasong inciting to sedition at cyberlibel sa nag-upload umano ng video na si Rodel Jayme.
Ayon sa senador, hindi malayong magkaroon ng whitewash sa imbestigasyon lalo’t tila may pina-protektahan ang DOJ.
“Ano ang krimen ng mga tao na ‘yun kung totoo ang alegasyon? Remember, hindi kasalanan, hindi krimen ang pagkalat ng katotohanan, pero kasalanan yung pagpigil ng katotohanan kaya itong NBI at DOJ makikita niyo sabi nila cybercrime o cyberlibel nung una. Pero walang complainant kasi ang cyberlibel kailangan may complainant tapos saan ka makakita cyberlibel lang buong DOJ at NBI nagkukumahog? Talagang pinagtatakpan nila ito.” Pahayag ni Trillanes.
Dahil aniya sa mga ginagawa ng kagawaran ay mistulang nagkakatotoo na ang sinasabi ni Bikoy sa kanyang mga video.
“By virtue of their action, medyo nagkakaroon ng credibility yung Bikoy allegation kasi alam niyo kung wala ito kung fake news lang yan, nagkalat ang fake news bakit papansinin mo yan kung anuman yan di ba? Pero mukhang niniyerbyos sila rito, kaya sa akin, kapag lumabas ito na totoo itong mga (Bikoy allegations) itong Sec. Guevarra at yung mga elemento ng NBI na gumagawa niyan eh lalabas na sila yung protektor ng mga drug lord.” Ani Trillanes.