Aminado si Moro Islamic Liberation Front o MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim na malaking hamon ang pamamahala sa itatatag na bagong gobyerno sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law.
Ayon kay Ebrahim, karamihan sa mga rebelde ay wala namang karanasan sa pamamalakad ng isang gobyerno subalit mapipilitan silang dahil responsibilidad nila ito.
Sa pulong ng MILF sa Camp Darapanan sa Sultan Kudarat, nanawagan si Murad sa kanyang mga taga-sunod na panatilihin ang pagkakaisa lalo’t hindi natatapos ang kanilang layunin sa paglagda sa bagong batas.
Alinsunod sa BOL, pangungunahan ng MILF ang interim government ng Bangsamoro Transition Authority sa loob ng tatlong taon o hanggang 2022.
BIFF
Bukas naman ang MILF na tanggapin ang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter o BIFF sakaling nais nilang bumalik sa MILF.
Ang BIFF ay breakaway group ng MILF na pinangunahan ng namayapang si Commander Ustadz Ameril Umbra Kato na nahati naman sa tatlong paksyon, ang grupo ni Kagi Karialan, Commander Bungos at ni Abu Turaife.
Sa general assembly ng halos 100,000 MILF members sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat, Maguindanao, inihayag ni Chairman Al Haj Murad Ebrahim na ma-iitsapuwera ang mga terorista sa bagong Bangsamoro Organic Law o BOL.
Partikular na tinukoy ni Ebrahim ang BIFF faction ni Abu Turaifie na kabilang na sa mga ISIS-inspired group sa Central Mindanao.
Nakikipag-ugnayan na anya sila kina Karialan at Bungos sakaling umanib ang mga ito sa itatatag na Bangsamoro government.
Samantala, tiniyak naman ng paksyon ni Karialan na hindi sila magiging balakid sa implementasyon ng BOL.
—-