Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang magkaroon ng karapatan ang mga subscribers na mapanatili ang kanilang cellphone number panghabang-buhay.
Sa botong 20, walang tumututol at walang abstention sa pag-apruba sa Senate bill NUMBER 1636 o ang “Lifetime Cellphone Number Act”.
Batay sa nasabing panukala na hindi kailangan magpalit pa ng cellphone number ang isang subscriber kahit siya pa ay magpalit ng telecommunication company o provider.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, may akda ng nasabing panukala, hindi na magdadalawang-isip ang subscriber na magpalit ng kanilang telco provider sakaling hindi maganda ang serbisyo nito.
Nagiging dahilan kasi minsan umano ang pagpapalit ng cellphone number kaya hindi makalipat o makapamili ng mahusay na serbisyo ng ibang telco ang mga subscriber.
Naniniwala rin si Gatchalian na mas hihigpit ang kompetisyon sa mga telcos na magiging dahilan para kanilang ayusin at mas lalong pagbutihin ang mga serbisyo na kanilang i-aalok.
—-