Isinusulong ng ilang mambabatas ang lifetime passport para sa mga senior citizen sa bansa.
Batay sa datos ng Commission on Population and Development, tinatayang nasa 8.7M ang bilang ng mga Pilipinong nasa edad 60 pataas.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), 1.3M sa naturang bilang ng mga matatanda, ay nabibilang sa mga mahihirap na Pilipino na walang sapat na pera para gastusan ang kanilang mga passport.
Sa House Bill 6682 na akda nina Davao City Rep. Paolo Duterte, Benguet Rep. Eric yap, at ACT-CIS Partylist Representatives Edvic Yap at Jeffrey Soriano, dapat amyendahan ang Philippine Passport Act of 1996 o Republic Act 8239 na magbibigay ng habambuhay na validity sa mga pasaporte ng mga senior citizen.
Iginiit ng mga mambabatas na ang mga senior citizen na magre-renew o magpapasa ng kanilang aplikasyon sa pasaporte ay hindi na dapat sumailalim sa mahigpit at mahabang proseso dahil na rin sa kanilang edad at mga kondisyon sa kalusugan.
Sa ilalim ng naturang panukala, bibigyan ng lifetime validity ang mga kinuhang pasaporte ng mga senior citizen.