Alinsunod sa kanyang hangarin na gawin ang Pilipinas bilang lider sa pagkakaroon ng matalino at matatag na transportasyon sa Indo-Pacific region, ipinatupad na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang whole-of-government approach sa transportation network.
Sa ginanap na Indo-Pacific Business Forum (IPBF), ibinahagi ni Pangulong Marcos na nagbigay na siya ng direktiba sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr), at National Economic Development Authority (NEDA) na bumuo at magpatupad ng transportation projects na tumutugon sa mga pangagailangan ng mga Pilipino at negosyo.
Aniya, nag-iinvest ang pamahalaan mula sa mga kalsada at riles, hanggang sa mga daungan at paliparan, upang makalikha ng isang transport network na ligtas, mabisa, at accessible para sa lahat.
Bukod rito, nag-aadapt na ang Pilipinas sa mga makabagong teknolohiya na layong gawing mas matalino at responsive sa mga pagbabago ang transport system ng bansa.
Malaki ang epekto ng transportasyon sa ekonomiya ng Pilipinas. Sa patuloy na pag-aayos sa sistema ng transportasyon, mapapanatili nito ang pagiging isa sa mga ekonomiyang may pinakamabilis na paglago sa buong mundo. At pangako ni Pangulong Marcos, nakatuon ang pamahalaan upang pagyamanin at ipagpatuloy ang momentum na ito.