Siniguro ng liderato ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang mahigpit na pagpapatupad sa mga umiiral na health protocols kontra COVID-19 ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ito ang binigyang diin ni NCRPO Director Police Brigadier General Vicente Danao Jr., kasabay ng ipatutupad nitong ‘Ligtas Paskuhan 2020’ sa ilalim ng new normal.
Paliwanag ni Danao, hindi magiging hadlang ang pandemya sa kanilang hanay para maisakatuparan ang kanilang tungkulin para protektahan at paglingkuran ang publiko.
Tututukan ng NCRPO ang mga ‘places of convergence’ o ‘yung mga lugar na dinarayo ng publiko gaya ng palengke, mga malls, paliparan, pantalan, terminal ng mga bus, lalo na ang mga simbahan lalo’t magsisimula na ang simbang gabi.
Nauna rito, inatasan na ng liderato ng pambansang pulisya ang lahat ng mga regional at provincial directors nito na dagdag pa ang kanilang pwersa para masigurong naipapatupad ng maayos ang mga quarantine protocols ngayong Kapaskuhan. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9).