Hawak na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang liham ni Pangulong Rodrigo Duterte na humihiling na palawigin pa ng hanggang isang taon ang idineklarang Martial Law sa Mindanao.
Nakasaad sa nasabing liham na kung pagbibigyan, magiging epektibo ang martial law extension mula Enero 1 hanggang Disyembre 31 ng taong 2018.
Binigyang diin ng Pangulo sa kaniyang liham kina Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez na kinakailangang mapalawig ang martial law para sa muling pagbangon ng Marawi City matapos ang mahigit limang buwang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at teroristang Maute.
Idinagdag din ng Punong Ehekutibo ang pangangailangang mapalawig ang batas militar upang masupil ang iba pang mga teroristang kumikilos sa iba pang bahagi ng Mindanao kabilang na ang komunistang CPP-NPA na naghihintay lang ng pagkakataon upang umatake.
LOOK: President Rodrigo Duterte’s letter to the Congress for Mindanao martial law extension | via @JILLRESONTOC @blcb pic.twitter.com/HoKKSVhQvY
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) December 11, 2017
Joint session
Posibleng mag-convene ang Senado at House of Representatives sa isang joint session para talakayin ang hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang martial law sa Mindanao sa Huwebes o Biyernes.
Ayon kay House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas, oras na matanggap na nila ang letter of request mula kay Pangulong Duterte, agad niyang kakausapin sina House Speaker Pantaleon Alvarez at Senate President Koko Pimentel para maikasa ang joint session.
Dagdag ni Fariñas, hindi na nila kailangan pang magsagawa ng special session para pag-usapan ang martial law extension dahil meron pa naman aniya silang hanggang December 15 bago mag-Christmas break.
Jaymark Dagala / Krista de Dios with reports from Jill Resontoc and Cely Bueno