Umarangkada na ang National Bureau of Imbestigation (NBI) Special Action Unit sa pag-iimbestiga sa isinagawang sikretong pagbabakuna sa ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) gamit ang ‘di otorisado at smuggled na COVID-19 vaccine.
Ayon kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin nakikipag-ugnayan na sila sa Bureau of Customs (BOC) upang alamin kung may nakapasok ng bakuna sa bansa dahil posible umanong paglabag sa taripa at custom code ang isinagawang hakbang na ito.
Batay pa sa panayam kay Lavin nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Food and Drug Administration (FDA) at ilang miyembro ng PSG para sa testimonial evidence.
Katwiran naman ng ilang opisyal ng pamahalaan ang isinagawang pagbabakuna ay para sa seguridad ng bansa at kaligtasan ng Pangulo kaya’t marapat lamang na mabakunahan ang mga taong nakapaligid dito partikular na ang PSG.
Matatandaang unang nang ipinag-utos ng Department of Justice ang imbestigasyong ito sa NBI matapos kumalat ang balitang lihim na bakunahan nitong nakaraang linggo.— sa panulat ni Agustina Nolasco