Patay ang limang hininalang kidnapper makaraang maka-engkuwentro ng PNP Anti-Kidnapping Group sa bahagi ng Maharlika Highway sa bayan ng San Pablo, lalawigan ng Laguna.
Ayon kay PNP AKG Director S/Supt. Glenn Dumlao, dinukot nitong Martes si Ronald Arguelles na isang high profile drug personality sa kaniyang tahanan sa Candelaria, Quezon.
Nagpanggap umano na mga tauhan ng PDEA ang mga suspek, pinadapat ang mga tao sa bahay, inikot at hinalughog ang bahay sabay tangay sa mahalagang kagamitan ng mga biktima.
Humihingi umano ang mga suspek ng ransom na nasa 700,000 Piso ang halaga sa pamilya ni Arguelles na agad namang ibinigay sa pamamagitan ng entrapment operations.
Pero agad nagkaputukan nang matunungan ng mga suspek na pulis ang kanilang kaharap kung saan, apat na pulis Candelaria ang sugatan habang isang babaeng pulis naman ang binawian din ng buhay kalaunan.
Bagama’t nakasuot ng fatigue uniform ang mga suspek, nilinaw ni Dumlao na hindi miyembro ng pulisya maging ng AFP ang mga ito at posibleng sila’y tauhan lamang ng mga police scalawags na nananamantala sa war on drugs.
Habang ligtas naman ang dinukot na high value target na si Argulles na nagtamo lamang ng daplis ng bala sa kaniyang tiyan.