Noong Lunes, tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos jr. ang mga bagong itinalagang ambassador ng Italya, India, Ireland, Finland, at European Union (EU), na naglalayong palakasin ang ugnayan sa mga bansang kanilang kinakatawan.
Sa pagtanggap kay Davide Giglio, ang itinalagang ambassador ng Italya, sinabi ni Pangulong Marcos na inaasahan niyang magbibigay ito ng malaking ambag sa masiglang relasyon ng Pilipinas at Italya, na umaasang magtutulungan ang dalawang bansa upang palawakin ang kanilang kooperasyon.
Ipinagdiwang ng Pilipinas at Italya ang ika-75 anibersaryo ng kanilang diplomatikong ugnayan noong 2022.
Noong nakaraang taon, umabot sa $1.2 bilyon ang kabuuang kalakalan ng Pilipinas at Italya. Pang-apat ang Italya sa pinakamalaking trading partner ng Pilipinas sa European Union, na may higit sa 500 kompanyang may Italian equity na matatagpuan sa bansa.
Ipinasa rin ni Harsh Kumar Jain, ang itinalagang ambassador ng india, ang kanyang mga kredensyal sa pangulo. Kinilala ni Pangulong Marcos ang matagal nang pagkakaibigan ng Pilipinas at India, at nagnanais na patatagin pa ang kanilang ugnayang pampolitika, pang-ekonomiya, at pangkultura.
Noong nakaraang taon, umabot sa higit $3 bilyon ang bilateral trade sa pagitan ng dalawang bansa. Ang export ng Pilipinas patungong India ay lumagpas sa $1 bilyon, na naging dahilan upang maging ika-13 pinakamalaking export market ng Pilipinas ang India noong 2023.
May matibay ding ugnayang pang-depensa ang India at Pilipinas.
Kamakailan, inaprubahan ng Department of National Defense ang pagbili ng Shore-Based Anti-Ship Missile System (SBASMS) para sa Philippine Navy sa pamamagitan ng isang Government-to-Government (G2G) deal. Dumating ang unang batch ng Brahmos Missile System noong Abril.
Ipinasa rin ang kanilang mga kredensyal kina Pangulong Marcos ng mga itinalagang Embahador ng Ireland na si Emma Hickey, ng Finland na si Saija Nurminen, at ng European Union na si Mario Massimo Santoro.