Hihilingin ng PBOAP o Provincial Bus Operators Association sa LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board na pansamantalang ipagpaliban ang implementasyon ng memorandum circular 2017-012 na naglilimita sa daily driving hours ng mga public utility bus driver ng hanggang anim (6) na oras lamang.
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita”, sinabi ni PBOAP Executive Director Alex Yague na hindi malinaw ang guidelines at masyadong mabigat ang ipinataw na penalty ng LTFRB sa sinumang lalabag sa nasabing kautusan.
Idinagdag pa ni Yague na nais niyang malaman kung bakit pawang bus driver lamang ang sakop ng naturang circular.
Umaasa aniya sila na magkakaroon ng dayalogo bago ito tuluyang ipatupad.
“Napakabigat po ng penalties eh, mayroong monetary penalty, pagkatapos on the 3rd offense meron pang suspension ng prangkisa for 6 months, napakabigat po ng mga penalty so humingi kami ng dayalogo at nag-request kami na kung puwede i-hold muna in abeyance para ipaliwanag nila, bakit 6 na oras at bakit mga bus driver lang ang kasama sa circular na ito.” Ani Yague
Tugon naman ni LTFRB Board Member Aileen Lizada, itutuloy nila ang implementasyon ng Memorandum Circular 2017-012 para na rin sa kapakanan ng riding public.
“We need to sit down with them, we will also be listening but sa atin lang is at the end of the day, we need to put some orders in the number of hours of the bus driver to ensure the safety of our passengers, yan ang major concern namin.” Pahayag ni Lizada
Holy Week
Samantala, tiniyak ng PBOAP o Provincial Bus Operators Association ang kanilang kahandaan sa pagdagsa ng mga pasahero na magsisipag-uwian sa kani-kanilang probinsya ngayong Semana Santa.
Sinabi sa DWIZ ni PBOAP Executive Director Alex Yague na kabilang sa ginawa nilang paghahanda ay random drug testing at eye check-up sa hanay ng mga bus driver.
Masasabi aniya niya na physically fit ang kanilang mga tsuper.
“Sinabi namin na kailangan mahanda ang mga driver, may mga random tayong drug testing, meron tayong reviewer class para sa mga driver meron pa nga tayong free eye check up sa mga driver, marami tayong ginagawa para paghandaan ang dami ng mga pasahero pati na ngayon in general.” Pahayag ni Yague
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview)