Itinanggi ng Commission on Higher Education (CHED) ang report na pagsasagawa ng pilot testing ng face to face classes sa susunod na buwan.
Sinabi ni CHED Chairman Prospero De Vera III na bumubuo pa sila ng mga panuntunan para sa posibleng limitadong face to face classes sa mga lugar na nasa ilalim ng low risk modified general community quarantine (MGCQ).
Plano aniya nilang isumite ang guidelines sa IATF sa susunod na linggo o sa unang bahagi ng Hulyo.
Ayon pa kay De Vera personal niyang bibisitahin ang Higher Education Institutions (HEI)’s na magsasagawa ng re-design sa kanilang classrooms, libraries, auditoriums, cafeteria at iba pang pasilidad base sa health protocols at guidelines at kung kayang gawin ang limitadong face to face classes sa low risk MGCQ areas.
Inihayag ni De Vera na nitong nakalipas na Mayo 13 inaprubahan ng IATF ang pagbubukas ng klase sa HEI’s na gagamit ng flexible learning sa Agosto kayat imposibleng magkaruon ng face to face classes sa susunod na buwan.
Samantala nanindigan naman ang Department of Education (DepEd) na walang magaganap na face to face classes kahit pa sa mgalugar na walang naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ayon sa DepEd ay hanggat walang available na bakuna laban sa nasabing virus bilang pagsunod na rin sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang diin pa ng DepEd na ikukunsider nito ang face to face classes sa blending learning kapag tiyak nang wala nang banta ng COVID-19 at mayruong access sa bakuna ang mga guro, magulang, estudyante at iba pang bahagi ng komunidad.