Pinarerekunsidera ni house assistant majority leader at ACT-CIS Party-list Representative Niña Taduran sa Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI) ang pasya na limitahan lamang ang operasyon ng mga salon at barbershop sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ayon kay Taduran, mas malaki ang nawawalang kita ng mga may-ari ng salon at barber shop, gayundin ang mga empleyado, dahil limitado lamang sa pagpapagupit ang kanilang serbisyo bukod sa marami rin sa kanilang kliyente ay senior citizens na hindi pinapayagang pumunta sa mga salon at barber shop.
Sinabi ni Taduran na mas malaki pa ang panganib kapag ang mga salon workers ay nagsasagawa na lamang ng home service sa kanilang mga kliyente na hindi pinapayagang makapunta sa kanilang salon o nangangailangan ng dagdag na serbisyo tulad ng pagkukulay ng buhok.
Pinakamahalaga pa rin naman aniya ay pag-obserba sa health protocols tulad ng disinfection, pagsusuot ng personal protective equipment (PPE) at physical distancing upang mas mababa ang panganib.