Kinuwestyon ng ilang senador si health secretary Francisco Duque kung bakit kailangang mga health workers na may direktang contact sa COVID patients lamang ang maaaring tumanggap ng special risk allowance.
Ito’y kahit lahat naman ng nagtatrabaho sa ospital ay maaaring tamaan ng virus.
Ayon kay Senate blue ribbon committee chairman Richard Gordon, wala namang nirerespeto na boundary ang virus, kaya’t maaaring ma-infect ang sinumang pumapasok sa mga ospital.
Inihayag naman ni Duque na bukas siya na bigyan ang lahat ng empleyado ng ospital ng risk allowance, pero ang problema ay pagkukunan ng pondo.
Una nang inireklamo ng Filipino Nurses United ang DOH dahil maraming nurse ang hindi nakatanggap ng SRA at active hazard duty pay na nakapaloob sa Bayanihan 1
Gayunman, lumitaw na bilyong-bilyong pisong budget na nasilip ng Commission on Audit ang hindi nagamit ng DOH para sa COVID response.—mula sa ulat ni Cely Bueno sa panulat ni Drew Nacino