Tatagal pa hanggang Biyernes Agosto 17 ang limitadong oras sa supply ng tubig na ipinatutupad ng Maynilad.
Ayon kay Maynilad Corporate Communications Officer Grace Laxa, apektado ng kanilang rotational water supply availability ang Bacoor at Imus sa Cavite, Parañaque, Las Piñas, Caloocan, Malabon, Pasay, Makati, Manila at Quezon City.
Sinabi ni Laxa, ang ipinatutupad na rotation sa suplay ng tubig ay kasunod ng mataas na turbidity o paglabo ng tubig na nakukuha nila mula sa Ipo Dam bunsod na rin ng tuloy-tuloy na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Dahil aniya rito, kinailangan nilang magbawas ng water production sa kanilang treatment plants para masigurong maayos ang kalidad ng tubig na natatanggap ng kanilang mga customers.
“Sobrang labo parang kape ‘yung kulay ng tubig kasi ito po ‘yung galing sa bundok, sumasama ang lupa sa pagragasa ng tubig papuntang dam, kaya kami nag-reduce para ang dine-deliver nating tubig ay tinitiyak naming malinis, potable, ayaw nating isaalang-alang ang quality ng tubig natin na ibibigay sa ating customers kasi iniinom po natin ‘yan.” Ani Laxa
Kasabay nito, pinayuhan ni Laxa ang mga customers ng Maynilad na agad na mag-ipon ng tubig kapag may supply sa kanilang lugar.
“Manatili po silang makinig sa mga news, sa updates natin, para aware sila kung kailan sila mawawalan ng tubig o magkakaroon, mag-ipon na po kung may tumutulong tubig ngayon kahit mahina.” Pahayag ni Laxa
(Ratsada Balita Interview)