Dahan-dahan nang nililimitahan ng gobyerno ang deployment ng mga Filipino nurses sa Europa partikular sa United Kingdom at Germany dulot ng natuklasang bagong strain ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, sa halip na suspendihin ang pagpapadala ng mga medical workers doon, nagpasya silang limitahan na lamang ang bilang ng mga ito.
Paliwanag ng DOLE chief, kailangang lumagda ng isang overseas Filipino worker (OFWs) sa isang waiver kung saan nakasaad doon ang risk o maaaring panganib na idudulot ng kanyang pag-alis.
Sa pamamagitan nito, ayon kay Bello, hindi sila masisisi sa maaaring sapitin ng isang medical worker na magpupumilit na umalis ng bansa.