Matapos ang halos 2 taon, aarangkada na simula ngayong araw ang pilot implementation ng limited face to face classes sa mga pampublikong paaralan sa gitna ng Covid-19 pandemic.
Tinatayang isandaang public schools lamang ang inaprubahan ng Department of Education upang maging bahagi ng limitadong klase sa ilang piling lugar, partikular sa mga low risk area.
Kabilang na rito ang 10 paaralan sa Central Luzon, 5 sa CALABARZON at 9 sa Bicol Region.
Nilinaw naman ni DepEd Planning Service Director Roger Masapol na ang limitadong face to face classes ay hindi hudyat ng pagbabalik sa sistema ng edukasyon bago magkaroon ng pandemya.
Alinsunod anya sa rekomendasyon ng DOH ay magkakaroon lamang ng isang linggong face-to-face classes at isang linggong walang klase o gawing salitan.
Samantala, magsisimula naman sa November 22 ang face to face classes sa 25 private schools.