Kapwa nilinaw nina Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian at Senadora Imee Marcos na hindi ganap na pagbubukas ng mga eskuwelahan ang kanilang isinusulong.
Kasunod ito ng naging pahayag ni Interior Secretary Eduardo Año na hindi nila dapat minamadali ang pagbabalik eskuwela ng mga estudyante dahil kung mahahawaan ang mga ito ng COVID-19 ay hindi naman sasagutin ng dalawang senador ang gastusin sa pagpapagamot.
Ayon Gatchalian, localized at limited face-to-face ang kanyang iminumungkahi kung saan isang araw lamang sa isang linggo o ilang oras lamang sa isang araw ang klase ng mga estudyante.
Ito rin aniya mismo ang hinihiling ng ilang local government units upang matugunan o makahanap ng paraan para magkaroon ng engagement ang mga bata.
Iginiit naman ni Marcos napatunayan nang hindi nagiging super spreader ng COVID-19 ang face-to-face classes kung istriktong maipatutupad ang mga health protocols.
Kinakailangan lamang aniyang magtakda ng parameters ng IATF para sa pagbabalik eskuwela batay sa infection rate sa lugar, angkop na silid aralan para sa physical distancing, maayos na ventilation, handwashing at istriktong compliance monitoring.