Hindi napigilan ni PhilHealth Fund Management Sector Senior Vice President Renato Limsiaco na maging emosyonal sa pagdalo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng senado sa alegasyon ng katiwalian sa ahensiya.
Sa kanyang opening statement, mariing itinanggi ni Limsiaco ang akusasyong ibinabato sa kanya nina PhilHealth Board Member Alejandro Cabading at dating anti-fraud legal officer Atty. Thorsson Montes Keith.
Ayon kay Limsiaco, malisyoso siyang idinadawit nina Cabading at Keith sa sinabing ‘mafia’ sa PhilHealth na umano’y sangkot sa korapsyon at ilegal na gawain sa PhilHealth.
Iginiit ni Limsiaco, hindi siya kailanman nasangkot sa anumang mali o ilegal na gawain sa loob ng 20 taong paninilbihan niya sa ahensiya.
Kaugnay nito, hiniling ni Limsiaco sa senado na masusing suriin ang mga alegasyon nina Keith at Cabading, at pananagutin ang mga ito sa kanilang mali at walang patunay na akusasyon.