Nilinaw ng PHIVOLCS o Philippine Institute of Volcanology and Seismology na walang kaugnayan ang nangyaring lindol kahapon sa pinangangambahang pagtama ng ‘The Big One’.
Ayon kay PHIVOLCS Earthquake Monitoring Division Chief Ismael Narag, Manila Trench o malaking hukay sa ilalim ng West Philippine Sea ang siyang pinagmulan ng nasabing pagyanig.
Nilinaw din ni Narag na bagama’t wala pang naitatalang pinsala dulot ng naturang lindol, posible pa rin aniya na magkaroon ng mga aftershocks kaya’t dapat mag-ingat ang publiko.
Ito na ang ikatlong beses na niyanig ng lindol ang lalawigan ng Batangas mula nuong Abril ngunit ayon kay Narag, hindi rin ito konektado sa nangyaring lindol kahapon.
Magugunitang pinag-iingat ng pamahalaan ang publiko partikular na ang mga taga-Metro Manila sa pagtama ng The Big One o ang paggalaw ng West Valley Fault na siyang magdudulot ng Magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila at malaking bahagi ng Luzon.
By Jaymark Dagala