Nanatiling putol ang linya ng kuryente at mga network coverage sa iba’t ibang probinsya sa bansa kasunod ng pananalasa ng bagyong Rolly.
Ayon kay Senador Richard Gordon na Chairman ng Philippine Red Cross (PRC), sa ngayon ay wala pa ring suplay ng kuryente at network coverage sa Catanduanes.
Bukod pa rito, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) , wala rin anilang suplay ng kuryente sa buong probinsya ng Sorsogon, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, ilang parte ng Quezon Province, at Batangas.
Paliwanag ng NGCP, ang pagkawala ng suplay ng kuryente sa mga nabanggit na lugar ay makaraang maapektuhan ng malakas na hangin at ulang dala ng bagyong Rolly ang ilang mga transmission lines.
Kasunod nito, pagtitiyak ng NGCP, agad silang magsasagawa ng inspeksyon sa mga linya ng kuryente oras na bumuti ang lagay ng panahon.