Ipinag-utos na ng Korte ang paglilipat ng kulungan ni dating Ozamiz City Vice mayor Nova Princess Parojinog sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Taguig City.
Ito ay matapos pagbigyan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 95 ang mosyon ng prosekusyon.
Sa ipinalabas na kautusan ni Judge Edgardo Bellosillo, inatasan nito ang Philippine National Police (PNP) headquarters support service na ilipat na si Parojinog sa kustodiya ng BJMP detention facilities special intensive care area sa Bicutan.
Una nang iginiit ng prosekusyon na magastos at nakaabala lamang sa PNP ang pananatili ni Parojinog sa custodial center.
Dapat din anilang ikulong si Parojinog sa isang BJMP facility tulad ng iba pang nahaharap sa mga kaso.
Magugunitang naaresto si Parojinog kasama ang kapatid na si Octavio at iba pa sa isang madugong raid sa kanilang tahanan noong 2017 na ikinamatay naman ng kanilang ama na si Ozamiz City Reynaldo Parojinog Sr. at inang si Susan.