Inalis na ng Pamahalaang Lokal ng Baguio City ang liquor ban na tatlong buwan nang umiiral sa lungsod.
Batay sa ipinalabas na executive order ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, tinanggal na ang liquour ban para matigil na ang pananamantala ng ilang mga negosyanteng patagong nagbebenta ng alak sa mas mataas na halaga.
Dagdag ni Magalong, kasalukuyan na rin naman aniyang nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) ang Baguio City na siyang pinakamaluwag na lebel ng lockdown.
Gayunman, binigyang diin ni Magalong na hindi pa rin pinapayagang magbukas ang mga bars, nightclubs, at iba pang establisyimento, kung saan nag-aalok ng lugar para sa pag-iinuman.
Ipinagbabawal din ang pag-inom sa mga pampublikong lugar tulad ng park, sidewalks, kalsada, waiting sheds, at harap ng mga tindahan.