Tatanggalin na ang umiiral na liquor ban sa buong Cavite simula ala-1 ng hapon sa Lunes, unang araw ng Hunyo.
Sa anunsiyo ni Cavite Governor Jonvic Remulla, may inilatag na mga patakaran ang pamahalaang panlalawigan kaugnay ng pagbebenta o pabili ng mga nakalalasing na inumin.
Ayon kay Remulla, maaari lamang makabili ng alak ang may hawak ng quarantine pass habang maaari lamang magbenta mula ala-1 hanggang alas-4 ng hapon.
May limitasyon din aniya ang bilang o dami ng maaaring bilhing alak.
Ipinagbabawal pa rin ang pag-iinuman sa labas ng bahay o bahagi na makikita ng publiko, pagsasagawa ng malakihang party, pagkakaraoke, gayundin ang mga maaabutang lasing sa lansangan.
Samantalan, muli namang ipinaalala ni Remulla ang patuloy na pag-iral ng curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga sa buong Cavite.