Tinanggal na ng mga lokal na pamahalaan ng Mandaluyong at San Juan City ang ipinatupad na liquor ban sa dalawang lungsod.
Batay sa ipinalabas na City Ordinance Number 777 ni Mandaluyong City Mayor Carmelita Abalos, nakasaad na inaalis na ang temporary ban sa pagbebenta at delivery ng mga nakalalasing na inumin tulad ng wine at beer.
Gayunman, ipinagbabawal pa rin ang pag-inom sa mga pampublikong lugar habang hindi rin maaaring mag-imbita ng mga bisita para mag-inuman sa mga residential area.
Samantala, inalis na rin ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pansamantalang pagbabawal sa mga tindahan at etablisyimento sa lungsod na magbenta ng mga alcoholic beverages.
Gayunman, papayagan lamang ang pag-inom sa loob ng mga tahanan at kinakailangan pa ring matiyak ang physical distancing.