Aalisin na ang ipinatutupad na liquor ban sa lungsod ng Parañaque simula bukas, Hunyo 1.
Sa ipinalabas na executive order ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, maaari nang magbenta muli at bumili ng mga alak sa lungsod kasabay ng pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ) bukas.
Gayunman, maaari lamang ibenta ang mga ito sa nakatakdang oras ng operasyon ng mga establisyemento.
Mananatili namang bawal ang pagse-serve ng alak sa mga restaurants, bars, at iba pang establisyemento habang maaari lamang mag-inuman sa loob ng mga tahanan.
Tiniyak pa ni Olivarez na papatawan ng parusa at multa ang mga mahuhuling lalabag sa patakaran.