Malaya nang muling makapag-iinom ng alak ang mga residente ng Quezon City epektibo ngayong araw na umiiral na ang modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ito’y makaraang i-anunsyo ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pag-aalis sa ipinatutupad na liquor ban sa lungsod matapos ang dalawang buwang lockdown.
Gayunman, ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, mayroong limitasyon ang pagbebenta at pagkonsumo ng nakalalasing na inumin sa kanilang lungsod.
Maaari lamang itong ibenta mula ala una hanggang 5:00 ng hapon at kailangan lang itong inumin sa loob ng mga kabahayan.
Limitado lamang din sa 6 na bote kada araw ang maaaring ibenta ng mga sari-sari store sa bawat indibiduwal habang 5 case naman ang maaaring ibenta sa mga groceries.
Kinakailangan ding magpakita ng government issued ID ang bibili ng nakalalasing na inumin bago sila pagbentahan para sa pansarili nilang pagkonsumo.
Hihigpitan din ang mga panuntunan para sa mga nagtitinda o reseller ng alak sa lungsod tulad ng business permit at iba pang mga dokumentong inilabas ng city hall.