Regular ang pag-a-update ng Department Of Health (DOH) sa listahan ng mga bansang kabilang sa pinapatawan ng entry ban upang mapigilan ang pagpasok ng bagong variant ng coronavirus sa Pilipinas.
Ito ang tiniyak ng DOH sa gitna na rin ng dumaraming bansang nakapagtatala na ng kaso ng bagong variant ng coronavirus.
Ayon sa DOH, kaagapay nila ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa paggawa ng mga rekomendasyon para tukuyin ang mga bansang masasakop ng entry ban sa Pilipinas.
Alinsunod sa panuntunan ng DOH, isasama na sa travel restriction ang isang bansa kung i-uulat ng kanilang gobyerno na nakapagtala na sila ng kaso ng bagong coronavirus variant o opisyal na makapagpadala ng abiso sa international health regulations.
Sa kasalukuyan, nasa 20 bansa na ang sakop ng ipinatutupad na travel ban ng Pilipinas dahil sa pagkakaroon ng kaso ng bagong COVID variant.