Humihingi ang Department of Justice o DOJ sa PDEA ang listahan ng convicted drug lords na umano’y nakalabas na ng bansa matapos mapalaya dahil sa GCTA Law.
Kasunod na rin ito ng pahayag ni PDEA Director General Aaron Aquino na nasa labas na ng Pilipinas ang nasa tatlong convicted drug lords at malabo nang magbalik sa bansa para lamang boluntaryong sumuko.
Sinabi ni Aquino na kung babalik man ang mga drug lord sa Pilipinas, ang mga ito ay tiyak na magpapatuloy sa kanilang illegal drug operations at gagamit ng pekeng pangalan para makaiwas sa paghuli.
Ayon kay Justice Undersecretary Mark Perete, mula sa halos 2,000 PDLs o Persons Deprived of Liberty na nahatulan ssa heinous crimes subalit maagang nakalaya dahil sa GCTA halos lahat ng mga ito ay verified at wala pa ring nakakaalis ng bansa.
Subalit para makatiyak, inihayag ni Perete na makakatulong sa DOJ at sa Immigration Bureau kung ipapadala at kikilalanin ng PDEA ang mga nasabing drug lords na nakalabas na ng bansa para maisailalim sa beripikasyon.
Sa ganitong paraan aniya ay mahahabol din ng gobyerno ang convicted drug lords at maibalik muli sa New Bilibid Prisons.
Nitong weekend, inihayag ni Perete na nasa mahigit 500 na ang surrenderee na nasa custody na ng Bureau of Corrections. — ulat mula kay Bert Mozo (Patrol 3)