Sinusuring mabuti ngayon ng lokal na pamahalaan ang listahan ng mga residenteng lumikas dahil sa pag – aalburuto ng Bulkang Mayon sa Albay.
Sinabi ni Cedric Daep, pinuno ng Albay Public Safety and Emergency Management Office, na nagulat sila sa biglang paglobo ng bilang ng evacuees.
Batay sa kanilang tala, nasa mahigit walongpo’t limang libong (85,000) indibidwal na ang nanunuluyan sa pitongpo’t siyam (79) na evacuation centers sa lugar.
Giit ni Daep, nagsisiksikan na ang mga ito sa mga evacuation center, na nagiging dahilan naman ng pagkakahawa-hawa ng mga ito sa sakit.
Mga Residente sa labas ng 8-km danger zone, pauuwiin na
Sinimulan nang pauwiin sa kanilang mga tahanan ang mga lumikas na residente sa mga barangay na nasa labas ng 8 – kilometer danger zone ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Office of the Civil Defense Bicol Chief Claudio Yucot, ang nasabing hakbang ay batay sa ibinigay na impormasyon ng PHIVOLCS.
Ngunit pagtitiyak ni Yucot, patuloy nilang imomonitor ang sitwasyon ng mga pauuwiing residente.
Samantala, sinabi ni Cedric Daep, ang pinuno ng Albay Public Safety and Management Office na isa itong paraan para mabawasan na ang bilang ng mga nasa evacuation center.