Inilabas ng COMELEC o Commission on Elections listahan ng mga kandidato na mayroon pa ring iligal na campaign posters.
Sa pamamagitan ng twitter post ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon, tinukoy nito ang 40 mga kandidato sa pagkasenador kabilang ang mga re- electionist senator na sina Koko Pimentel, Cynthia Villar, Bam Aquino, JV Ejercito, Nancy Binay at iba pa.
Kasama rin sa mayroon pa ring mga iligal na campaign posters sina Freddie Aguilar, Neri Colmenares, Francis Tolentino, Atty. Larry Gadon at iba pa.
May ilan namang netizens ang nagtanong kung bakit hindi kabilang sa listahan si dating special assistant to the president Christopher Bong Go.
Ilang kandidato pumalag
Pumalag ang ilang mga tumatakbong kandidato sa pagka senador matapos na makasama ang kanilang pangalan sa inilabas na listahan ng COMELEC na mayroong illegal campaign posters.
Ayon kay Senador Koko Pimentel, dapat na tukuyin ng COMELEC ang mga lugar upang matanggal ito.
Depensa ni Pimentel, marami siyang mga supporters kaya hindi namomonitor kung saan – saan naglalagay ang mga ito ng tarpaulin.
Nagulat naman si Senador Nancy Binay nang makasama sa listahan ang kanyang pangalan.
Aniya, sa kanyang pagkakaalam ay hindi pa sila naglalabas at nagkakabit ng mga posters at tarpaulin.
Samantala, mariin namang kinuwestiyon ni Teddy Casiño ang campaign manager ni Neri Colmenares kung hindi kabilang sa naturang listahan ang manok ng administrasyon.
Bagama’t hindi binaggit ang pangalan ay sinabi ni Casiño na kaliwa’t kanan ang posters ng naturang kandidato bago pa man ang kampanya .
Habang si Colmenares na walang masyadong campaign materials dahil sa limitadong budget ay nakasama pa sa listahan.