Nakatakdang magpalabas ng opisyal na listahan ang FDA o Food and Drug Administration ng mga legal na contraceptive sa Agosto 21.
Ito ang inihayag ni FDA Director General Charade Puno sa kaniyang pagharap sa budget hearing ng Kamara para sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Puno, sinimulan na nila ang pagpo-proseso at re-certification sa mga itinuturing na legal na contraceptive alinsunod na rin sa inilabas na direktiba ng Korte Suprema.
Kasunod nito, sinabi ni Puno na ilalabas nila ang certificate of product registrations sa mga legal na contraceptives mula Setyembre 30 hanggang sa unang linggo ng Oktubre.
Magugunitang inihayag ng Korte Suprema na rekumendasyon na lamang ng FDA ang kanilang hinihintay upang tuluyang tanggalin ang inilabas na TRO o temporary restraining order hinggil sa pagpapatupad ng RH o Reproductive Health Law.