Patuloy pang nadaragdagan ang bilang ng mga lugar sa bansa na isinasailalim sa COMELEC areas of concern dahil sa mainit na tunggalian ng kandidato at mataas na lebel ng seguridad.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame ngayong Huwebes, sinabi ni PNP Deputy Chief for Operations P/LtG. Ferdinand Divina na aabot sa 105 bayan at 15 lungsod ang kanilang mahigpit na binabantayan.
Gayunman, sinabi ni Commission on Elections (COMELEC) Spokesperson, Dir. James Jimenez, sasailalim pa rin sa masusing validation ang naturang listahan dahil posibleng may mabago pa.
Paliwanag ni Jimenez, hindi maaaring gamiting batayan ang kasaysayan ng isang lugar upang matukoy kung ito’y maituturing na areas of concern at kailangang mapatunayan din kung gaano kainit ang political climate rito.
Bagaman unang inihayag ng COMELEC na posible nilang ilabas nuong Abril 4 ang listahan ng mga lugar na kanilang isasailalim sa areas of concern, wala pa ring eksaktong petsa hanggang ngayon kung kailan nila ito isasapubliko. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)