Isinapubliko na ng Senado ang expenditure report nito simula January 1 hanggang December 31, 2023.
Aabot sa 3.2 billion pesos ang kabuuang bayarin at gastusin ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso at nagkakaiba-iba lamang depende sa paggugol ng bawat opisina ng mga senador.
Batay sa report, pinakamatipid si Senator Mark Villar na gumastos lamang ng mahigit 96 million pesos habang pinakamalaki ang ginastos ni dating senate president Juan Miguel Zubiri na mahigit 164 million pesos.
Saklaw ng report ang extraordinary and miscellaneous expenses, mga byahe, sweldo at benepisyo ng kanilang mga staff, meetings at conferences, professional o consultancy fees, supplies, materials at iba pa.
Kabilang sa tinukoy na posibleng dahilan ng paglobo ng gastos ni Zubiri ay ang laki ng demands at responsibilidad sa kanya lalo’t ito ang senate president noong isang taon.
Sumunod naman si Senate Minority Leader Koko Pimentel, 161.94 million pesos; Senator Joel Villanueva, 154.79 million; Senate Majority Leader Francis Tolentino, 150.2 million; Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, 144.4 million pesos at Senate President Chiz Escudero, 116.8 million pesos. – Mula sa ulat ni Cely-Ortega-Bueno (Patrol 19)