Inilabas na ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit ang listahan ng mga saradong kalsada para sa traslacion ng Itim na Nazareno sa Miyerkules, Enero 9.
Kasabay ng pagbabasbas at prusisyon ng mga replica ng Black Nazarene sa Lunes, kabilang sa isasara simula alas onse ng umaga hanggang ang southbound lane ng Quezon Boulevard sa Quiapo;
Westbound lane ng España Boulevard mula P. Campa hanggang Lerma Streets habang sarado rin simula Martes, Enero 8 simula ala singko ng madaling araw sa Martes ang Katigbak Drive, South Drive at Independence Road.
Ito’y para naman sa “pahalik” sa imahe ng Black Nazarene sa Quirino Grandstand.
Milyun-milyong deboto ang inaasahang lalahok sa taunang traslacion maging sa iba’t-ibang aktibidad na may kaugnayan sa pista ng Itim na Nazareno.
Translacion 2019 sa Maynila ‘all systems go na’
“All systems go” na ang mga otoridad para sa traslacion 2019 ng Itim na Nazareno maging sa pista ng Quiapo sa Maynila, sa Miyerkules, Enero 9.
Ayon kay Monsignor Hernando Coronel, rector ng Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church, nakatalag na ang lahat ng preparasyon para sa inaasahang pagdagsa ng milyun-milyong deboto.
Plantasado na rin anya ang koordinasyon ng mga organizer sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at Manila Police District (MPD) para sa seguridad.
Asahan na muli ang signal shut down ng mga telecommunications company sa mga lugar na daraanan ng traslacion.
Ini-anunsyo na rin ng mga organizer ang rutang daraanan ng andas na magsisimula ala singko ng madaling araw ng matapos ang misa alas kwatro naman ng madaling araw sa Quirino Grandstand sa Luneta.
Samantala, inihayag naman ni NCRPO Chief Dir. Guillermo Eleazar na magpapatupad ng “no fly zone” at “no sail zone” sa naturang lugar.