Humingi ng paumanhin ang pambansang pulisya sa maling impormasyong naibigay nito sa publiko na nangunguna umano ang Naga City sa mga lungsod sa bansa na umano’y hotbed ng shabu.
Ito’y makaraang magpatawag ng pulong balitaan si PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde noong araw ng Miyerkules para linawin ang kaniyang naunang pahayag kasunod na rin ng sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP Spokesman S/Supt. Benigno Durana Jr, nilinaw nilang nasa pang-anim na puwesto ang Naga City sa may pinakamaraming krimen sa mga major cities sa bansa maliban sa Metro Manila.
Kung pagbabatayan ang total crime volume mula Enero hanggang Hulyo ng taong ito, nangunguna ang Naga City sa may pinakamaraming naitalang krimen sa bansa na sinundan ng Mandaue, Iloilo, Santiago at Cebu City.
Magugunitang inilabas ng PNP noong Miyerkules ang top 5 shabu hotbed ng bansa ang Angeles City sa Pampanga, Santiago City sa Isabela, Olongapo City sa Zambales at Puerto Princesa City sa Palawan.