Inilabas na ng gobyerno ang listahan ng mga value-added tax exempted medicine para sa diabetes, high cholesterol at hypertension na ipinatupad simula kahapon, Enero 1.
Alinsunod ito sa joint implementation ng section 109-AA ng Republic Act 10693 ng Departments of Health at Finance, Bureau of Internal Revenue at Food and Drugs Administration.
Sa ilalim ng batas, inalis ang 12 percent vat sa mga “common maintenance medication” na mandato ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act o TRAIN law.
Kabilang sa mga vat-free ang insulin para sa mga may diabetes; atorvastatin, simvastatin at rousavastatin para sa may high cholesterol; captopril, enalapril at fosinopril sodium para sa mga may hypertension.
Pinayuhan naman ng DOH ang publiko na i-access ang website na http://www.dpw.doh.gov.ph/VATExempted upang makita ang kabuuang listahan ng mga discounted na gamot.
DOH, ipinanawagan ang istriktong pagpapatupad ng diskwento sa mga piling gamot
Nanawagan si Health Secretary Francisco Duque III sa mga drugstore at pharmaceutical company na magbigay-diskwento sa mga gamot sa diabetes, high cholesterol at hypertension.
Ayon kay Duque, bukod pa sa mga mayroong hypertension, high cholesterol at diabetes, makikinabang din sa discount ang mga senior citizen na pitong porsyentong bumubuo sa 104 na milyong populasyon ng bansa.
32 porsyentong diskwento aniya ang matatanggap ng mga senior citizen sa mga gamot para sa mga nasabing sakit o “common maintenance medications.”
Nagbabala naman ang kalihim na maaaring maharap sa parusa o kasuhan ang drugstore o pharmaceutical company na lalabag sa nasabing batas.