Nakatakda nang isumite ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kay Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng mga pagpipilian na susunod na Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff.
Ito’y bilang kapalit ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año na maagang magre-retiro sa military service para magsilbing bagong Department of Interior and Local Government o DILG Secretary.
Ayon kay Lorenzana, Lunes ng umaga ang schedule ng pulong ng AFP Board of Generals para talakayin kung sinu-sino sa mga senior military general ang mapapabilang sa shortlist.
Sa oras na magawa na anya ang listahan, agad niya itong ibibigay sa Pangulo upang makapili na ito ng susunod na hepe ng militar.
Nakatakdang magretiro si Año sa Hunyo 2, apat na buwang mas maaga mula sa kanyang mandatory retirement na Oktubre.
Isa sa matunog na papalit kay Año ay ang hepe ng Eastern Mindanao Command na si Lt. Gen. Leonardo Guerrero.
By Drew Nacino | With Report from Jonathan Andal