Nanawagan ang Malacañang kay National Anti – Poverty Commissioner Liza Maza na sumuko na sa mga awtoridad.
Kasunod ito ng ipinalabas na arrest warrant ng Nueva Ecija Trial Court laban kay Masa at tatlong iba pang dating lider ng grupong Bayan Muna.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, dapat na patunayan ni Maza ang kanyang pagiging inosente sa pamamagitan ng pagsuko sa mga awtoridad.
Binigyang diin ni Roque na walang kinalaman ang Pangulong Rodrigo Duterte sa muling pagbuhay ng kaso laban sa apat kasunod ng sunod-sunod na birada sa CPP–NPA.
Hindi pa rin aniya pinapatalsik pa sa kanyang puwesto si Maza ngunit kung mananatili itong nagtatago at ma-a-AWOL sa trabaho ay mapipilitan ang Pangulo na palitan ito.
Binatikos naman ng kampo ni National Anti-Poverty Commission o NAPC Chairman Liza Maza ang panawagan ng Malacañang at Philippine National Police o PNP na sumuko na ito.
Ayon kay Atty. Rachel Pastores, legal counsel ni Maza, sa halip na dapat itama ng pagmahalaan ang mga pagkakamali sa kawalan ng hustisya sa bansa, tila mismong sila pa ang nagdidiin sa apat na dating mambabatas.
Dagdag pa ni Pastores, tila nakalimutan din aniya ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang adbokasiya nito bilang isang human rights lawyer noon.
Nanagawan din si Pastores sa PNP at sa iba pang law enforcement agency na irespeto ang karapatan ng apat na dating mambabatas at itigil nito ang pag-usig sa mga oposisyon.
Samantala, sinabi ni Pastores na patuloy na pumapasok at ginagawa ni Maza ang kanyang tungkulin bilang NAPC Chairman.—Krista de Dios
—-