Nagpalabas ang Department of Trade and Industry (DTI) ng Department Administrative Order 22-17 na nagtatalaga ng “Definitive Anti-Dumping Duty Against Importations” ng type 1 at type 1P cement sa ilang mga exporting manufacturers at traders mula sa Vietnam.
Ang nasabing hakbang ay may kaugnayan sa rekomendasyon ng tariff commission na patawan ng anti-dumping duties ang mga imported na semento na nakakaapekto sa domestic cement industry.
Ikinatuwa naman ng Cement Manufacturers Association of the Philippines (CEMAP) ang nasabing hakbang at sinabing pagpapakita ito ng suporta sa mga investments at development ng domestic cement manufacturing industry.
Ayon pa sa CEMAP, mayroong sapat na kapasidad ang mga local cement manufacturers na mag-supply ng semento sa bansa at kahit walang cement imports, nananatiling competitive ang domestic industry dahil sa 14 na integrated cement plants sa bansa at mayroon pang dalawang itinatayo sa kasalukuyan.
Maliban dito, pinapalawak rin ng mga local manufacturers ang kanilang kapasidad at mga planta kasabay ng pag-upgrade ng kanilang mga pasilidad upang mapunan ang pangangailangan sa semento.
Umaasa naman ang mga local manufacturer ng suporta mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapatupad nang patas na kompetisyon sa merkado at pagpapalakas sa pag-develop ng local industry gaya nang pagkakaroon ng sustainable manufacturing at greener cement products, gayundin ang pagbibigay ng oportunidad sa lahat para sa ika-uunlad ng pamumuhay ng mga mamamayan.