Papayagan pa rin ng Philippine National Police (PNP) ang mga kagawad ng media na nasa labas ng National Capital Region (NCR) ang kanilang mga company ID sa lahat ng mga checkpoint sa buong Luzon.
Ito’y sa gitna na rin ng pagtatapos ng inilatag na deadline ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) para sa aplikasyon ng mga ID para sa media noong Marso 26.
Sa isinagawang Laging Handa Public Briefing, inamin ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na masyadong maikli ang ibinigay na palugit sa kanila para makapagpalabas ng Media ID kaya’t ilalatag aniya nila ito sa susunod na pagpupulong ng IATF.
Sa panig ni DILG USec. Jonathan Malaya, kaniyang sinabi na nagkasundo sila ni PNP Deputy Chief for Operations at Task Force COVID Shield Lt/Gen. Guillermo Eleazar na bigyan muna ng luwag ang mga media na nasa lalawigan sa Luzon na gampanan pa rin ang kanilang tungkulin kahit wala pang inilalabas na ID mula sa PCOO.