Muling bubuhayin ng DILG o Department of Interior and Local Government ang mga LPCC o Local Price Coordinating Councils.
Kasunod ito ng mga ulat ng sobra sobrang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa ilang mga lugar na sinalanta ng kalamidad nitong mga nakalipas na linggo.
Ayon kay DILG OIC Eduardo Año, tungkulin ng LPCC ang magsagawa ng regular na inspeksyon sa mga pampubliko at pribadong pamilihan para matugunan ang mga posibleng pag-abuso ng ilang mga negosyante.
Gayundin ang mabantayan ang mga hindi pangkaraniwang pagtataas sa presyo ng mga bilihin.
Inatasan din ni Año ang PNP o Philippine National Police na makipag-ugnayan sa mga local government units at iba pang kinauukulang ahensiya para sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa karapatan ng mga mamimili.
Hinimok din ni Año ang mga local at regional officials na agad i-report ang mga insidente ng hoarding at tangka ng pagmamanipula sa presyuhan sa kani-kanilang nasasakupan.